"Sikap at tiyaga ang pundasyon ng aming tagumpay. Gusto mo at alam mo dapat ang negosyong iyong papasukan."
Ito ang mga katagang binitiwan ni Ginang Zenaida Balbuena sa isang panayam sa Bangko Kabayan.
Si Balbuena ay nagmamay-ari ng isang manukan sa Brgy. Galamay-Amo, San Jose, Batangas. Tulad ng iba, marami ring pinagdaanan si Balbuena bago mapalago ang kanyang negosyo. Sa katunayan, siya ay nagkaroon muna ng maliit na panederya bago tuluyangsumabak sa pagmamanukan. Aminado si Balbuena na may kakulangan siya sa kaalaman sa paggagawa ng tinapay. Dahil dito, sa kabila nang kaniyang pagsusumikap at pagpupursige na magtagumpay, hindi pinalad ang kaniyang negosyo noong iwanan siya ng kaniyang mga trabahador.
Hindi sumuko si Balbuena sa larangan ng pagnenegosyo at dito na niya pinasok ang negosyong pagmamanukan. Taong 1994 nang makatanggap si Balbuena ng pamanang lupa mula sa kanyang mga magulang. Sa tulong ng kanyang asawa, sinimulan nilang mag-alaga ng ilang sisiw at napalago nila ito ng may humigit kumulang na 1,500 bilang ng mga manok. Ang kakaunting itlog na kanilang nakukuha sa manok ay agad nilang ipinaglako.
"Ipinaglako namin ang mga nakukuha naming itlog sa mga subdibisyon sa Batangas at Maynila. Tanda ko pa noon lagi kaming may baon-baong isang bote ng gatas at sardinas, para hindi mabawasan ang aming magiging kita sa maghapong paglalako."
Tulong mula sa BK
Taong 1996 nang magbukas ng savings account sa Bangko Kabayan (BK) si Balbuena. Sa pagdaan ng mga panahon, nahikayat sya ng BKna mangutang upang ipandagdag sa puhunan sa pagmamanukan. Unti-unting lumago ang negosyo ni Balbuena. Natutunan din niyang maging detalyado sa lahat ng mga bagay, maging sa mga pakain at bitamina na ibinibigay niya sa kanyang mga manok o mga gastusin man sa kanyang negosyo. Tinulungan din si Balbunea ng BK na mabili ang karatig lupa ng kaniyang manukan at mapalipat sa pangalan niya ang titulo nito. Naging daan ito upang mas napalawak pa ang kaniyang negosyong manukan.
Bagong Pagsubok
Hanggang isang araway muling sinubok ang katatagan ni Balbuena. Noong Hulyo ng taong 2014, nagdulot ng malaking pinsala sa manukan ni Balbuena ang bagyong Glenda. Karamihan sa kanyang mga alaga ay namatay at halos lahat din ng itlog na kanilang naani ay nasira at nabasag. Nawalan din ng bubong ang kulungan ng kaniyang mga manok. Dahil sa pangyayaring ito, nagkasakit atnaospital si Balbuena. Halos nawalan na siya ng negosyo at lumobo na rin ang kaniyang utang sa kaniyang mga supplier at kasama sa negosyo.
Muling Pagbangon
Dahil nga sa magandang pakikitungo ni Balbuena sa kanyang mga supplier at hindi siya sumisira sa usapan, marami ang tumulong sa kanya. Binigyan siya ng kanyang mga supplier na palugit upang makabayad sa mga produktong kanyang kinuha. Tinulungan din siya ng BK upang makaahon sa pagsubok na ito.
Sa ngayon, nananatiling matatag at malago ang negosyo ni Balbuena.